Ang diabetes ay isang chronic condition. Ibig sabihin ay pangmatagalan ang sakit na ito at hindi na mawawala. Kung meron kang diabetes, meron ka na nito habambuhay.

Ang magandang balita naman ay maraming uri ng gamot sa diabetes. Para sa mga may type 2 diabetes, makakatulong ang mga maintenance medication para ma-process ng katawan ang glucose, ang pangunahing uri ng sugar na nananalaytay sa dugo ng tao. Para naman sa mga may type 1 diabetes, merong tinatawag na insulin therapy kung saan binibigyan ang pasyente ng insulin sa pamamagitan ng injection o pump para palitan o dagdagan ang insulin sa katawan, ang hormone na tumitimon sa dami ng glucose sa katawan.

Isa ring mahalagang bahagi ng pagma-manage ng diabetes ay tamang diet. Tandaan na walang universal na diet para sa mga may diabetes dahil bawat taong merong sakit na ito ay iba-iba ang pangangailangan. Gayunpaman, maraming mga eating tips na pwedeng makatulong sa mga may diabetes na makontrol ang kanilang blood sugar level. Ilan sa mga eating tips na ito ang mga sumusunod:

Kumain ng mga Fatty Fish

Sa halip na kumain ng mga red at processed meat tulad ng luncheo meat, corned beef, at hotdog, palitan ang mga ito ng fatty fish katulad ng sardines, salmon, mackerel, at anchovies. Bukod sa magandang protein source ang mga isdang ito, mayaman din sila sa mga omega 3 fatty acid katulad ng DHA na nagpapalusog sa mga daluyan ng dugo. Importante na makakuha ng sapat na omega 3 fatty acid ang mga taong may diabetes dahil mas mataas ang kanilang risk na magkasakit sa puso o kaya ay ma-stroke.

May mga research din na nagsasabing nakakatulong sa pagre-regulate ng blood sugar ang mga fatty fish. Bukod pa rito, high-quality protein ang nakukuha sa mga isda. Dahil dito, mas mabilis silang makabusog at nakakatulong sa pagpapababa ng blood sugar level.

Piliin ang Healthy Carbohydrates

Madalas na nade-demonize ang carbohydrates na nakakasama raw sa katawan. Ang totoo, may tinatawag na mga healthy carbohydrate na nakukuha sa mga masustansyang pagkain. Halimbawa nito ang mga prutas at gulay, pati na rin ang mga whole grain katulad ng oats at brown rice. Maganda ring pagkunan ng healthy carbohydrates ang beans at lentils, pati na rin ang yogurt.

Kumain ng mga Berde at Madahong Gulay (Green Leafy Vegetables)

Maraming benefit ang pagkain ng mga green leafy vegetable katulad ng repolyo, spinach, kale, at maging kangkong at pechay. Katulad ng nabanggit kanina, magandang source ng healthy carbohydrates ang mga gulay. Mababa lang kasi ang level o dami ng digestible carbohydrates sa mga ito, kaya hindi gaanong tumataas ang blood sugar level kahit na marami ang kainin.

Marami ring ibang nutrients na makukuha sa mga madahon at berdeng gulay. Kasama na diyan ang vitamin C, na may antioxidant at anti-inflammatory properties. Malaking tulong ang mga ito sa mga diabetic para mabawasan ang pagkasira ng mga cell sa katawan.

Ibahin ang Paraan ng Pagluluto ng mga Pagkain

Masarap kumain ng fried food, pero nakakasama ito sa katawan dahil napapabilis ng mga ganitong pagkain ang pagtaas ng cholesterol level sa katawan. Dahil dito, mas makakabuti kung bawasan ang pagpiprito at sa halip ay sumubok ng ibang paraan ng pagluluto. Ilan sa mga healthy cooking methods ang pag-iihaw o grilling, steaming, at baking.

Kung magpiprito, pwedeng gumagamit ng mas healthy na cooking oil. Halimbawa rito ang coconut oil at pomace olive oil, lalo na para sa shallow frying. Pwede rin ang avocado oil na mayaman sa vitamin E at monounsaturated fat.

Mag-Carbohydrate Counting o Kaya ay Plate Method

​​Kapag may diabetes ang isang tao, kailangan bantayan mabuti hindi lang kung ano ang kinakain, kundi pati na rin kung gaano karami. Isang magandang paraan para masukat kung gaano karami ang nakakain tuwing meal times ay ang carbohydrate counting. Recommended ito para sa mga may type 1 diabetes, dahil makakatulong din ito para malaman kung gaano karaming insulin ang kailangang gamitin ng ng isang tao.

Pwedeng tingnan ang nutrition label ng mga pagkain para malaman kung gaano karaming carbohydrates ang taglay ng mga ito. Malaking tulong din kung magpapaturo sa doktor o dietitian kung paano masusukat ang dami ng carbohydrates na matatagpuan sa iba-ibang pagkain.

Maganda ring makasanayan ang plate portioning. Sa method na ito, hatiin ang isang plato na may sukat na 9 inches sa tatlong bahagi: isang 1/2 at dalawang 1/4. Sa 1/2 na bahagi, maglagay ng mga nonstarchy na gulay tulad ng spinach, malunggay, o talbos ng sayote. Sa isang 1/4 na bahagi, maglagay ng isda o iba pang source of protein. Sa isang 1/4 na bahagi naman, maglagay ng mga pagkain na source of starch tulad ng kanin, patatas, carrots, kalabasa, o kamote. Sundan ang prosesong ito tuwing kakain ng full meals.

Iwasan ang Sobrang Pag-Inom ng Alak

Panghuli, mahalaga sa mga diabetic na hindi sumobra sa pag-inom ng alak. Ayon sa mga eksperto, dapat ay one drink a day lang para sa mga babae, at two drinks a day naman para sa mga lalaki. Mataas kasi ang calorie content ang alcoholic beverages; kung madalas at sobra ang pag-inom, mahihirapang magbawas ng timbang o mag-maintain ng ideal weight ang isang taong may diabetes.

Hindi rin maganda ang epekto ng alak sa mga diabetic na kailangan ng insulin injection o umiinom ng gamot na nagpapataas ng insulin production. Ito ay dahil pinaparami ng alak ang insulin na pino-produce ng katawan. Dahil dito, magiging sobrang baba naman ng blood sugar ng pasyente. Kung iinom ng beer o alak, sundin ang recommended na dami nito. Mas mabuti rin kung kakain muna bago o habang umiinom ng alcohol. Ang dami ng one drink o isang baso ay magbabago ayon sa kung anong uri ng alcohol ang iinumin ng isang tao. Bilang pangunahing gabay, ang one drink ay maaring 12 oz ng beer, 5 oz ng wine, at isang shot lamang ng liquor gaya ng vodka, gin, o whiskey.

Kapag hindi naagapan ang diabetes, pwede itong mauwi sa mga malubhang komplikasyon. Gawing gabay ang mga eating tips na nabanggit, kasabay ng pagsunod sa payo ng doktor para mas madaling ma-manage ang diabetes.

Share.
Mommy Iris

I'm a lifestyle and mommy blogger from the Philippines. Pinay Ads was created to share bits and pieces of my life and my family. I have a wide array of interests that include entertainment, movies, music, gadgets, traveling, food, baking, and more. So, I hope you’ll stick around and enjoy reading!

Leave A Reply

Exit mobile version